Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lahat ng jeepney drivers at operators na nakibahagi sa programang Libreng Sakay ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Sa kanyang pahayag sa programang Talk To The People ng Manila Public Information Office, pinuri ni Mayor Isko ang sakripisyo at pakikipagtulungan ng sektor ng jeepney para maihatid ang mga Manileño nang walang bayad sa panahong mataas ang pangangailangan sa abot-kayang transportasyon.
“Nais ko po ipagpapuri ang lahat ng driver ng jeep na lumahok sa programa ng Lungsod ng Maynila. Ako po ang inyong Mayor, on behalf of the people of Manila na taos-pusong nagpapasalamat sa inyo. Maraming salamat po,” ani Mayor Isko.
Tumagal ng limang araw ang implementasyon ng Libreng Sakay, at tinatayang halos isang milyong pasahero ang nakinabang mula rito, kabilang ang mga manggagawa, estudyante, at ordinaryong mananakay na araw-araw umaasa sa pampublikong transportasyon.
Upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na operasyon, naglaan ang pamahalaang lungsod ng humigit-kumulang P20 milyon para sa kabuuang gastusin ng programa, kabilang ang subsidiya sa mga jeepney driver at operator.
Humigit kumulang na isang libong participant ang boluntaryong lumahok.
At ayon sa tala ng Manila Traffic and Parking Bureau, umabot sa 931,831 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong nakinabang sa limang araw na pagpapatupad ng Libreng Sakay Program ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila noong Marso 30 at 31, at Abril 6, 7, at 8.
“Wala muna pong extension sa ating Libreng Sakay sa ngayon, sapagkat magsasagawa muna ang pamahalaang lungsod ng assessment sa naging takbo at epekto ng programa,” wika ni Isko.
“Nguni’t huwag po kayong mag-alala, sapagkat ang inyong Pamahalaang Lungsod ng Maynila, patuloy na kikilos at maghahanap ng mga paraan upang makatulong at makapagbigay-ginhawa sa inyo, lalo na sa gitna ng krisis na kinakaharap natin ngayon.”
“Sana po kahit paano naibsan ang paghihirap na hinaharap nating lahat,” wika ni Isko.
Tiniyak ni Mayor Isko na patuloy na maghahanap ang lungsod ng mga paraan upang suportahan ang transport sector at maibsan ang pasanin ng mga Manileño sa harap ng patuloy na pagtaas ng gastos sa pamumuhay.
Trending
- Zaldy Co wala na sa kustodiya ng Czech authorities – DOJ
- Paglabas ng pagkakakilanlan ng mga imbestigador, kinondena ng Ombudsman
- Lacson: Mga senador dapat manatiling neutral sa posibleng impeachment trial
- Meralco, binanatan sa gitna ng krisis sa enerhiya
- 2026 barangay, SK polls pinauusog ni Sen. Imee sa Oktubre 2027
- Gamit na mantika, maaaring gamitin sa paggawa ng biodiesel
- Trump ‘di masaya sa peace plan na inihain ng Iran
- Luistro: Impeachment lusot sa Bank Secrecy Law
