Nanawagan si Manila Rep. Joel Chua na i-overhaul ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at amyendahan ang 31-anyos na batas nito upang malinawan kung sino ang may pangunahing responsibilidad sa mga problema sa trapiko, baha at basura sa Metro Manila. MgaNatural na Sakuna
Ayon kay Chua, nagiging magulo ang pagtukoy sa pananagutan dahil magkakaibang ahensya at lokal na pamahalaan ang may papel sa pagtugon sa mga problemang tumatawid sa mga hangganan ng mga lungsod.
“Hindi pwedeng problema ng buong Metro Manila ang baha, basura, at trapik pero hati-hati at malabo kung sino talaga ang may hawak. Kapag pumalpak ang sistema, dapat malinaw kung sino ang responsable at sino ang mananagot,” ani Chua.
Iginiit ng mambabatas na panahon nang repasuhin ang Republic Act No. 7924 o MMDA Law, na nagbibigay sa ahensya ng planning, monitoring, coordinative, regulatory at supervisory functions para sa mga serbisyong saklaw ng buong Metro Manila habang iginagalang ang kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan.
“The law defines what is metro-wide, but does not clearly say where purely local responsibility ends and metropolitan authority begins,” ayon sa chairman ng House committee on good government and public accountability.
Ginawang halimbawa ni Chua ang problema sa pagbaha. Bagama’t may tungkulin ang MMDA sa flood control, drainage at sewerage system, maaari ring magkaroon ng kani-kaniyang plano at proyekto ang mga LGU, national government agencies at maging ang pribadong sektor.
“Halimbawa, bumaha. Kanino tayo maniningil ng pananagutan? Sa MMDA ba, sa city hall, sa DPWH, o sa ibang ahensya? Hindi tumitigil ang tubig sa boundary ng isang lungsod. Kung metro-wide ang problema, dapat malinaw kung sino ang lead at sino ang susunod sa iisang plano,” ani Chua.
Kailangan din aniya ng paglilinaw sa usapin ng basura dahil may magkakaibang tungkulin ang MMDA at mga LGU sa ilalim ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.
“Kung basura sa isang barangay, local concern iyon. Pero saan dadalhin ang basura? Sino ang bahala sa transfer facilities, disposal system at mga problemang tumatawid sa iba’t ibang lungsod? Dapat malinaw ang trabaho ng LGU at trabaho ng MMDA,” ani Chua.
Sa trapiko naman, sinabi ng kongresista na hindi ito basta malulutas sa traffic enforcement dahil ang mga kalsada, ruta ng pampublikong transportasyon, terminals at iba pang bahagi ng sistema ay nasa ilalim ng magkakaibang ahensya.
“Hindi mo maaayos ang trapik kung traffic enforcement ang hawak mo pero ang mga kalsada, public transport routes, terminals at ibang bahagi ng sistema ay hawak ng iba’t ibang ahensya. Kailangan ng isang malinaw na Metro Manila traffic plan at klaro kung sino ang lead sa bawat bahagi,” ayon pa kay Chua.
Dahil dito, nais ng mambabatas na magkaroon ng iisang malinaw na plano at tukoy na tungkulin ang bawat ahensya upang hindi magkanya-kanya sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng Metro Manila.
“Hindi naman ibig sabihin nito na aagawin na ng MMDA ang trabaho ng mga mayor. Ang local problem, toka pa rin ng LGU. Pero kapag tumatawid na sa dalawang lungsod o buong Metro Manila ang problema, dapat may iisang lead authority na may malinaw at sapat na kapangyarihan sa ilalim ng batas para ipatupad ang napagkasunduang metro-wide solution,” ani Chua.
Trending
- Faith healer patay sa saksak habang tulog
- 2 patay, 4 sugatan sa salpukan ng SUV at trak
- Estudyante sa Iloilo pinagagamit na ng transparent bag
- 4 patay sa sunog sa Pasay
- Ipinao-overhaul ang MMDA para sa trapiko, baha, basura
- Panibagong bugso ng habagat, asahan sa susunod na linggo
- Brgy. tanod sa iskul, isinusulong bilang dagdag-seguridad!
- Sept. 14 : special non-working day sa BARMM

