Natangayan ng mahigit P1 milyong halaga ng ari-arian ang 69-anyos na lola at dalawa niyang apo nang mabiktima ng grupong gumagamit ng tinatawag na “birthday cake modus” sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City noong Martes, Abril 7.
Batay sa salaysay ng mga biktima sa pulisya, nagsimula ang modus nang mag-doorbell ang dalawang babaeng suspek na may dalang birthday cake at nagpanggap na mula sa lokal na pamahalaan at may dala pang regalo.
Dahil sa husay umano ng mga ito sa pakikipag-usap, nakuha nila ang tiwala ng lola at nakapasok sa bahay, bago biglang sumugod ang apat pang lalaking kasabwat at iginapos at tinakot ang mga biktima.
“Nagtataka rin ‘yung mga apo niya kung bakit napapasok ng lola ‘yung dalawang babae. Siguro sa tagal na nilang ginagawa ito, magaling na rin sila makipag-usap. Binantaan sila, babarilin sila, papatayin sila,” ani Lt. Col. Dave Anthony Capurcos, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.
Halos dalawang oras umanong hinalughog ng mga suspek ang bahay. Nakuha pa umano nilang kumain bago tumakas tangay ang pulang kotse ng pamilya, dalawang motorsiklo, at malaking halaga ng cash.
Sa follow-up operation, natukoy ng pulisya na isang inarkilang puting multi-purpose vehicle o MPV ang ginamit ng mga suspek bilang getaway vehicle. Matapos itong isauli sa car rental, sinasabing humiram pa ang grupo ng ibang sasakyan upang iligaw ang mga awtoridad.
“Pagkarating na pagkarating [sa car rental], nagpalit kaagad ng sasakyan. Unang nirent nila ‘yung Innova para sa swimming sana nila ng barkada. Then pagkatapos ng krimen, sinabi nila na kumonti ang sumama kaya kailangan magpalit ng Vios,” dagdag ni Capurcos.
Sa tulong ng GPS ng kotse at mga kuha ng CCTV, naharang ng mga awtoridad ang sasakyan sa bahagi ng Litex, Commonwealth.
Arestado ang 37-anyos na driver, at narekober sa sasakyan ang ilan sa mga ninakaw na gamit at isang baril na walang dokumento. Iginiit ng suspek na nayaya lamang siyang magmaneho ng mga umano’y “bagong kaibigan.”
“Tropa-tropa, kaibigan-kaibigan, ikaw na mag-drive… ID mo na ‘yung gamitin. Hindi ko alam na may modus na ganoon. Sana sumuko sila sa ginawa nilang katarantaduhan kasi ako ang kawawa, eh,” pahayag ng suspek.
Nasampahan na ng kasong Robbery, Carnapping, at Illegal Possession of Firearms ang suspek habang patuloy na tinutugis ang lima pa niyang nakatakas na kasamahan.
Muli namang nagpaalala ang pulisya, lalo na sa mga senior citizen, na huwag basta magpapasok ng sinuman sa bahay kahit may dalang regalo at tiyaking beripikado muna sa barangay o senior citizen coordinator ng LGU ang sinumang nagpapakilalang konektado sa gobyerno.
Trending
- Kaila Estrada, Daniel Padilla wapakels pa rin sa mga viral photo na magkasama
- Julia Barretto aminadong nakadama ng pressure sa pagiging Barretto
- Ogie Alcasid ‘napikon’ kay Vice Ganda
- Higit P3.7m ilegal na gamot nasabat sa Lucena City
- Ammonia, tumagas sa ice plant sa Caloocan: 10 naospital, 90 inilikas
- 100 puno inatake ng peste
- Bagong laya todas, Pulis sugatan sa engkuentro sa Pasay
- 8 lugar tutustahin ng malaimpyernong damang-init
