Sinabi ng Malakanyang na ang pagpapasya ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na nagpapatibay sa hurisdiksyon kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ay hindi nagde-define o nagdidikta sa aksyon ng gobyerno ng Pilipinas sa kaso nito.
Sinabi ni Presdiential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang pagpapadala kay Digong Duterte sa The Hague ay hindi ginawa para tugunan ang utos ng ICC.
“Ang pagpapadala po kay dating Pangulong Duterte ay hindi naman po para tugunan ang utos ng ICC,” ani Castro.
Ang nasabing hakbang ani Castro ay base sa batas ng Pilipinas at international obligations sa pamamagitan ng law enforcement channels.
“Ito po ay nababatay sa ating batas at sa ating relasyon sa Interpol,” aniya pa rin.
Ang pahayag na ito ni Castro ay matapos na sabihin ng ICC Appeals Chamber na ang Korte ay maaaring kumilos sa di umano’y krimen na ginawa habang miyembro pa ang Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng Malakanyang na ang aksyon nito ay independent sa ICC ruling.
Pinalagan naman ni Castro ang pahayag ng defense lawyer ni Digong Duterte na si Nicholas Kaufman, na naunang kinuwestiyon ang posisyon ng administrasyong Marcos sa ICC jurisdiction.
“Pakisabi po kay Atty. Kaufman, huwag mabuhay sa nakaraan,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, inulit naman ng Malakanyang na hindi pa nito kinokonsidera sa ngayon na muling sumama sa ICC.
Binigyang diin ni Castro na nagpahayag na ng kanyang posisyon si Pangulong Marcos sa bagay na ito.
“Hindi pa po ngayon magre-rejoin sa ICC,” aniya pa rin.

Share.