Umabot sa  14,541.57 kilo ng expired meat at iba pang food products ang nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon ng National Meat Inspection Service (NMIS), National Bureau of Investigation (NBI), at City Veterinary Services Office (CVSO) sa Valenzuela City.

Nasamsam ang 6,941.36 kilo ng iba’t ibang food products noong Hulyo 11, 2026, sa isinagawang operasyon ng CVSO sa Barangay Gen. T. de Leon, kabilang ang pork, beef, chicken, french fries, assorted vegetables, duck breast, at iba’t ibang uri ng seafood.

Sa operasyon ng NMIS at NBI noong Hulyo 10, 2026, nakumpiska ang 7,600.21 kilo ng expired imported frozen meat products, kabilang ang beef, pork, at chicken, na ibinebenta online sa Barangay Arkong Bato. Nasa kustodiya na ng NMIS ang mga ito at isasailalim sa tamang disposal ng Bureau of Animal Industry.

Matapos ang masusing inspeksyon, itinuring ang mga ito na hindi ligtas para sa konsumo at isasailalim sa tamang proseso ng disposal.

Patuloy namang pinaaalalahanan ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang publiko na bumili lamang ng karne at iba pang food products mula sa mga lehitimo at mapagkakatiwalaang tindahan. (Roger Panizal)

Share.