In-impound ng Land Transportation Office (LTO) ang isang itim na Volkswagen Jetta nang mahuling gumagamit ng pekeng plaka.
Ayon sa LTO, nakatanggap ang ahensya ng impormasyon at mga larawan na nagpapakitang ang naturang sasakyan ay gumagamit ng plaka na hindi nakarehistro sa kanilang records.
Nauna na ring binawian ng lisensya ang driver ng sasakyan matapos umanong mahuling gumagamit ng ilegal na blinker at nagpapanggap bilang diplomat.
Dahil dito, naglabas ang LTO Intelligence and Investigation Division ng order at show cause order laban sa rehistradong may-ari at driver ng naturang sasakyan.
Maaaring maharap ang driver sa mga paglabag na driving without a valid driver’s license, improper use or tampering of license plates, at pagdeklara bilang improper person to operate a motor vehicle.
Natagpuan ang sedan sa garahe ng driver at agad itong dinala sa LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Sa pagsusuri ng Official Receipt (OR) at Certificate of Registration (CR), natukoy ng LTO na hindi tugma ang plakang nakakabit sa sasakyan sa nakasaad sa mga dokumento nito at nakarehistro umano ito sa ibang pangalan.
Narekober din sa loob ng trunk ang aktuwal na plaka at improvised plate ng sasakyan na tumutugma sa impormasyon sa OR at CR, na gagamitin bilang ebidensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Pinaalalahanan naman ng LTO ang mga motorista na tiyaking legal ang kanilang mga plaka at dokumento upang maiwasan ang paglabag at kaukulang pananagutan.
===

Share.