Walang puwang sa buhay ni Dennis Trillo ang pambababae dahil mas gusto niyang panatilihin ang tiwala at seguridad sa pagsasama nila ng kanyang misis na si Jennylyn Mercado.
Sa tagal ng kanilang relasyon, ipinagmamalaki ng aktor na wala siyang naging isyu tungkol sa pagtataksil at determinado siyang manatiling tapat sa kanyang pamilya.
“Siguro sa tagal namin magkasama ni Jen, mula noon hanggang ngayon, parang wala naman kayong narinig na naging problema tungkol sa mga ganyan. So siguro, sabihin ko talaga, 100% loyal,” pahayag ni Dennis sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
Para kay Dennis, ayaw na niyang dagdagan pa ang mga problemang maaari nilang harapin bilang mag-asawa.
Kaya hangga’t maaari, iniiwasan niya ang anumang sitwasyong maaaring maging dahilan para magselos si Jennylyn.
“Ayoko na siyang bigyan ng mga dahilan para magselos, unang-una, Tito Boy. Kumbaga, sinisiguro ko na lahat ng kilos ko, alam mo ‘yun, hindi niya pag-iisipan ng kahit na ano,” aniya.
Maging ang mga babaeng nagpapakita ng interes sa kanya ay hindi raw niya pinapatulan.
“Ah, hindi ko lang pinapansin, Tito Boy,” diretsong sagot ng aktor nang tanungin kung paano niya hinaharap ang mga lumalandi sa kanya.
Aminado si Dennis na maaaring nakakatuwa sa umpisa kapag may nagpapakita ng paghanga, pero mabilis niyang naiisip ang maaaring maging kapalit nito.
“Siguro, sa umpisa mapa-flatter ka. Pero kung iisipin mo ‘yung mga consequences na mangyayari kapag meron kang hindi magandang ginawa, kumbaga, do’n pa lang, alam ko na na hindi ‘to para sa akin. Ayoko na ng gulo,” paliwanag niya.
Sa ngayon, mas nakatuon na raw si Dennis sa pagiging asawa at ama kaysa sa kanyang career, na ikinukunsidera niyang secondary na lamang.
“Actually, nu’ng isang gabi, naiisip ko na parang part-time actor na lang ako, eh, mas full time na ama at asawa. Kasi, feeling ko, mas du’n ako naka-focus talaga ngayon, eh — sa pagiging tatay at asawa,” pahayag niya.
Trending
- Sibilyan empleyado ng SulKud PNP patay sa ambush
- Sekyu ‘di pinasweldo, hinostage ang menor kapitbahay
- 15 guro nasagip sa rumaragasang ilog
- Pulis putol kamay sa taga ng baliw
- Mag-asawa at anak natagpuang patay sa loob ng bahay
- Janine Gutierrez umaming niloko ng boylet
- Topacio at Ogei bati na
- Netizens kinulit si Pia

