Sinimulan na ng Kamara ang deliberasyon sa dalawang panukalang batas na naglalayong palawakin ang social welfare, isulong ang career flexibility, at itaas ang kalidad ng health support para sa mga senior citizen at mga kawani ng pamahalaan.
Ang mga panukalang ito, na kapwa isinusulong ni Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla, ay ang House Bill No. 281 (Abot-kayang Gamot, Bitamina, at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act) at House Bill No. 280 (Lowering of Optional Retirement Age for Government Workers Act).
Sa pagdinig ng House Committee on Senior Citizens, binigyang-diin ni Revilla ang agarang pangangailangan na maipasa ang HB 281, na naglalayong isama sa umiiral na 20 % discount at Value-Added Tax (VAT) exemption ng mga senior citizens ang mga vitamins,  supplements, herbal products, at formulated milk.
Ipinaalala ni Revilla ang lumalaking populasyon ng mga seniors , kung saan base sa datos noong 2020 ay nasa 9.22 milyon.
Aniya, dahil sa inflation at mataas na cost of living, ang mga mahahalagang supplement na ito ay naging mabigat na pasaning pinansyal.
“For our senior citizens, vitamins, supplements, and formulated milk are not luxuries. For many of them, these are daily essentials to remain strong, prevent illness, and live with dignity,” pahayag ni Revilla.
Matapos ang unang deliberasyon, nagbuo ang komite ng isang Technical Working Group (TWG) upang palakasin pa ang panukala,.
Samantala, sinimulan na rin ng House Committee on Government Enterprises and Privatization ang pagtalakay sa HB 280 na naglalayong ibaba ang optional retirement age ng mga kwalipikadong kawani ng gobyerno patungong 56 taong gulang mula sa kasalukuyang 60 taong gulang, basta lamang nakapagsilbi na ng hindi bababa sa 15 taon.
Nilinaw ni Revilla na ang panukala ay “strictly optional” at nirerespeto ang indibidwal na desisyon ng mga kawani na nais pang magpatuloy sa pagtatrabaho.
“This bill is simple in its purpose, but profound in its impact. It is not a mandate; it is merely an option, an act of compassion, dignity, and respect for those who have already given the best years of their lives in service to our nation,” dagdag ni Revilla.

Share.