PINABALIK sa kanilang pinanggalingan ang isang convoy ng Moro Islamic Liberation Front o MILF 131st Brigade matapos itong harangin para sa beripikasyon sa checkpoint sa Barangay Libertad, Kolambugan, Lanao del Norte.
Ayon sa Lanao del Norte Police Provincial Office o LDN PPO, 7:30 ng umaga nitong Setyembre 2 nang magsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company, katuwang ang 5th Mechanized Battalion ng Philippine Army.
Binubuo umano ng 23 sasakyan at limang motorsiklo ang convoy na dumaan sa lugar.
Sa isinagawang beripikasyon, hindi umano nakapagpakita ang grupo ng kinakailangang dokumento o patunay ng naunang koordinasyon sa mga awtoridad hinggil sa kanilang paggalaw.
Dahil dito, sa halip na ituloy ang kanilang pagdaan, ineskortan ng mga tauhan ng PNP at AFP ang convoy pabalik sa kanilang pinanggalingan sa Picong, Lanao del Sur.
Ayon kay LDN PPO Provincial Director PCOL Leo De Leon Sua, layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan, habang iginagalang ang mga umiiral na mekanismo ng kapayapaan.
Hinimok din ng opisyal ang mga kinauukulang grupo na tiyaking may tamang koordinasyon bago magsagawa ng organisadong paggalaw, lalo na kung malalaking convoy ang sangkot.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang LDN PPO sa Philippine Army, mga lokal na pamahalaan at iba pang peace and security stakeholders upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan.

