Muling nagningas ang matagal nang alitan nina Rain or Shine head coach Yeng Guiao at Meralco forward Cliff Hodge matapos tawagin ng beteranong coach ang huli bilang “dirtiest player in the league” kasunod ng kanilang laban sa PBA Governors’ Cup noong Linggo, August 2 sa Smart Araneta Coliseum.
Nagwagi ang Rain or Shine kontra Meralco, 85-83, sa isang dikitang laban.
Naging sentro naman ng usapan ang banggaan nina Hodge at Adrian Nocum ng Rain or Shine sa 3rd quarter ng laro, kung saan tinawagan ang una ng unsportsmanlike foul.
Parehong nasaktan ang dalawang player ngunit nakabalik pa rin sa laro.
Ayon kay Guiao, sinadya umano ni Hodge ang paglabas ng kanyang paa na naging sanhi ng insidente.
“Sinaksak niya ‘yung paa niya eh,” ani Guiao matapos ang laro.
Tinawag din ng beteranong coach si Hodge na isang panganib sa kapwa players dahil aniya, marami na umanong katulad na insidente ang kinasangkutan nito sa nakaraan.
“Maraming incidents na ganoon, na I think cause danger to the players. It’s always been a lot of situations or incidents that Hodge is involved… tingin ko he’s a danger to his fellow players,” pahayag ni Guiao.
“He’s the dirtiest player in the league, I think… dapat siguro tingnan ng league ‘yan,” saad pa niya.

Share.