Posible umanong maharap sa contempt proceedings si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Mendoza kung hindi nito susundin ang subpoena ng Senate impeachment court na nag-uutos na isumite ang financial records ni Vice President Sara Duterte.
Inihayag ito ni House prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel noong Lunes ng gabi, Hulyo 20.
Ayon kay De Lima, obligasyon ng BIR commissioner na tumalima sa utos ng impeachment court matapos aprubahan ang subpoena.
“One thing is certain, the BIR Commissioner must do it, must comply with the subpoena. Otherwise, he will be held in contempt,” saad ng mambabatas.
Saklaw ng subpoena ang tax records ni Duterte at ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nila ng kanyang mister na si Atty. Manases Carpio para sa 2022, 2023 at 2024, bilang bahagi ng ebidensiyang hinihingi ng prosekusyon sa ilalim ng Article 2 ng Articles of Impeachment na may kinalaman sa umano’y unexplained wealth.
Gayunman, sinabi ni De Lima na dapat munang humingi ng pahintulot si Mendoza kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago ilabas ang mga dokumento upang hindi malabag ang Section 71 ng National Internal Revenue Code na nagpoprotekta sa pagiging kumpidensyal ng tax records.
“To be safe and also to shield himself for any possible liability, he has to get the authority or consent of the President. And I don’t see any reason for the President not to give such a consent. So hindi naman komplikadong bagay ito,” aniya.
Nauna rito ay tinawag din ni De Lima na isang mahalagang tagumpay para sa prosekusyon ang pag-apruba sa naturang subpoena, kung saan inaasahang isumite ng BIR ang mga hinihiling nitong dokumento hanggang Hulyo 30.
“Masayang-masaya kami. It was really a watershed and pivotal moment on the part of the prosecution,” anang mambabatas.
===
Trending
- Trailer truck nahulog sa sapa: 3 sakay nasagip
- Dawlah Islamiya bomb-maker, timbog
- M’danao binaha; P2.3m pinsala sa sakahan naitala
- Grupong Pinoy sa Tsina: ‘Di kami unggoy!
- Napoles, ex-opisyal ng DAR guilty sa malversation
- Valid ID ‘di kailangan sa pagkuha ng Postal ID
- Price cap sa agri products, ‘di kailangan
- Robin naglalagay ng kulay sa impeachment trial

