Arestado ang tatlong suspek, kabilang ang sinasabing babaeng mastermind, kaugnay ng pagbaril at pagpatay sa 35-anyos na utility worker sa loob ng isang fast-food restaurant sa Barangay Don Mariano Marcos, Jaen, Nueva Ecija noong Huwebes ng umaga, Agosto 20.
Sapul sa CCTV ang pamamaril.
Sa imbestigasyon ng Jaen Police Station, lumalabas na planado ang krimen at nag-ugat sa lumang alitan ng biktima at ng kaniyang dating katrabaho matapos umano itong masibak dahil sa kanilang pagtatalo.
Dahil sa galit, umupa umano ng hitman ang babae at binayaran ang dalawa nitong kasabwat ng kabuuang P29,500 upang itumba ang biktima.
Nabatid na P13,000 ang ibinayad sa drayber ng getaway motorcycle, habang ang natitirang halaga napunta sa gunman na bumili pa umano ng revolver sa halagang P2,000 para gamitin sa pamamaril.
Unang nadakip sa follow-up operation ang drayber ng motorsiklo na siyang nagturo sa kinalalagyan ng babaeng mastermind, habang huling nahuli ang gunman sa Barangay Valdefuente, Cabanatuan City.
Kasalukuyang nakakulong sa Jaen Police Station ang tatlong suspek na nakatakdang sampahan ng kasong murder.

