Nasawi ang tatlong katao at isang batang babae ang sugatan nang pasukin ng isang lalaki ang isang pamilya sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Aya, Talisay, Batangas noong Biyernes ng gabi, Hunyo 19, 2026.
Kinilala ang mga nasawi na isang 35-anyos na babae, ang kaniyang dalawang taong gulang na anak na lalaki, at ang 59-anyos lola. Lahat ng biktima ay nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ng Talisay Municipal Police Station, lumitaw na 10:00 ng gabi nang umano’y pasukin ng suspek ang bahay ng mga biktima matapos umakyat sa bahagi ng terrace ng tahanan.
Dalawa pang menor de edad na magkapatid ang nakaligtas matapos marinig ang kaguluhan mula sa kanilang kwarto. Agad silang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana at humingi ng saklolo sa kanilang mga kamag-anak na nakatira sa kalapit na lugar.
Sugatan naman ang anim na taong gulang na anak na babae ng biktima na nakaligtas sa insidente. Kasalukuyan itong nagpapagaling at patuloy na inoobserbahan sa isang pagamutan.
Ayon sa mga awtoridad, idineklarang dead on the spot ang mag-ina habang binawian naman ng buhay sa ospital ang dalawang taong gulang na bata.
Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na humantong sa pagkakaaresto sa 33-anyos na suspek sa Barangay San Roque, Santo Tomas City, mahigit isang oras matapos ang krimen.
Narekober din ng pulisya ang mga damit na pinaniniwalaang suot ng suspek nang maganap ang insidente, gayundin ang patalim na hinihinalang ginamit sa pananaksak.
Isa sa mga nakaligtas na bata ang nagturo sa pagkakakilanlan ng suspek, na napag-alamang bayaw ng napatay na ginang.
Ayon kay Police Major El Cid Villanueva, hepe ng Talisay Municipal Police Station, isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga imbestigador ay ang posibilidad na may kaugnayan ang krimen sa naunang reklamong panggagahasa laban sa suspek.
Lumabas sa imbestigasyon na dati nang inakusahan ang suspek ng panggagahasa sa 15-anyos na anak ng biktima. Sinisiyasat ngayon ng pulisya kung may kaugnayan ang madugong insidente sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.
Nasa kustodiya na ng Talisay Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda ng mga awtoridad ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kaniya.

Share.