Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad ng Pilipinas sa kanilang mga counterpart sa Vietnam upang beripikahin ang intelligence report na nagsasabing posibleng naroon si gaming businessman Atong Ang, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes.
“Si Atong Ang ang latest balita namin nasa Vietnam,” ani Remulla sa isang interview.
“Gumagawa kami ng diplomatic efforts para kausapin ‘yung counterparts namin doon para tignan ‘yung immigration record nila kung nandoon talaga,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Remulla na may extradition treaty ang Pilipinas at Vietnam, at nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine National Police sa kanilang mga counterpart doon.
“Kausap na nila Chief PNP ang mga counterparts nila so malalaman natin ang resulta,” giit pa ng kalihim.
Ayon pa kay Remulla, posibleng dumaan si Ang sa backdoor route mula Mindanao patungong Malaysia ilang linggo bago inilabas ang mga warrant of arrest laban sa kanya, bago umano posibleng makarating sa Vietnam.
“I think sa backdoor siya dumaan noong i-a-announce na aarestuhin na siya. Doon siya sa Mindanao papuntang Malaysia. Tapos umabot siyang Vietnam. Mga two weeks before nakaalis na via backdoor,” ani Remulla.
May inilabas nang mga warrant of arrest laban kay Ang at sa iba pa kaugnay ng maraming bilang ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention na may kaugnayan sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Itinanggi ni Ang ang mga alegasyon laban sa kanya.
Nauna nang hiniling ng mga awtoridad sa Pilipinas ang paglalabas ng Interpol red notice laban kay Ang.
Ayon sa depinisyon ng Interpol, ang red notice ay kahilingan sa mga law enforcement agency sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition, surrender, o iba pang kaukulang legal na proseso. Nasa bawat bansang miyembro ang pagpapasya kung aarestuhin ang isang tao batay sa sarili nilang mga batas.
May nakalaan ding P20 milyong pabuya para sa impormasyon na magtuturo sa pag-aresto kay Ang.
Trending
- Kaila Estrada, Daniel Padilla wapakels pa rin sa mga viral photo na magkasama
- Julia Barretto aminadong nakadama ng pressure sa pagiging Barretto
- Ogie Alcasid ‘napikon’ kay Vice Ganda
- Higit P3.7m ilegal na gamot nasabat sa Lucena City
- Ammonia, tumagas sa ice plant sa Caloocan: 10 naospital, 90 inilikas
- 100 puno inatake ng peste
- Bagong laya todas, Pulis sugatan sa engkuentro sa Pasay
- 8 lugar tutustahin ng malaimpyernong damang-init
