Upang mapataas ang produksyon ng mga magsasaka isang malaking hakbang tungo sa mas matatag pang matagalang pagsasaka ang natamo ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Polanco Zamboanga del Norte.
Kaugnay nito ipinagkaloob kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang solar-powered water pump system at namahagi ang dekalidad na pataba sa SILALELA Irrigator’s Association, Incorporated, upang matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang produksyon habang nababawasan ang gastos.
Sa pangunguna ng seremonya, binigyang-diin ni Provincial Agrarian Reform Program Officer Alfonso E. Tan na ang proyektong ito ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng makabagong kagamitan—ito ay pangmatagalang ginhawa sa mga magsasaka.
“Layunin naming palayain ang mga magsasaka mula sa mabigat na gastos sa krudo at pabagu-bagong panahon,” ani Tan.
“Sa tulong ng solar energy, may maaasahan na silang suplay ng tubig na walang gastos, kaya’t mananatiling produktibo ang kanilang mga sakahan sa buong taon, anuman ang taas ng presyo ng diesel.”
Malaki ang maitutulong ng mga solar-powered irrigation system sa mga komunidad sa kanayunan.
Nakababawas ito sa mga gastusin sa krudo, nakatutulong sa pangangalaga ng kalikasan, at nagbibigay ng tuloy-tuloy na suplay ng tubig—kahit sa panahon ng tagtuyot.
Dagdag pa rito ang pamamahagi ng organikong pataba ng DAR, na tumutulong sa mas malusog na lupa at mas mataas na ani.
Nagpapasalamat naman si Polanco Mayor Shaia Ruth R. Uy sa agarang pagtugon ng DAR sa pangangailangan ng mga magsasaka, lalo na sa irigasyon ng palay tuwing tag-init.
Binigyang-diin din ng mga lokal na opisyal, kabilang sina Board Members Jimmy Israel B. Chan at Dante G. Bagarinao na kumakatawan kay Governor Darel Dexter T. Uy, ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan para sa pag-unlad ng kanayunan.
Ang inisyatibong ito ay kaugnay sa mga layunin ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III na isulong ang pangmatagalang kapakanan upang maging produktibo at mas maayos ang kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino.
Sa pamamagitan ng renewable energy at mahahalagang gamit sa pagsasaka, patuloy na pinagtitibay ng DAR ang kakayahan at kinabukasan ng sektor ng agrikultura.
Trending
- PBBM, ipinag-utos 3-month suspension sa terminal fees ng PUVs sa PITX
- Banta ng destabilisasyon dahil sa nangyari sa Senado, tinabla ng AFP
- CHED ipinagpaliban pagbawas ng GE units sa kolehiyo
- Villafuerte tinukuran hakbang ng gobyerno vs fake news, deep fake
- Lolo na illegal recruiter nalambat
- Truck nahulog sa bangin sa Quezon
- Ginang na bagong ligo nagsaksak ng bintilador, nangisay
- Lalaki huli sa P420K ‘paihing krudo’ sa Bulacan ops

