Nasa ilalim ng imbestigasyon ng pulisya ang isang dating empleyado ng isang gasolinahan sa Tanza, Cavite nang manakawan ng hindi pa matukoy na halaga ng pera ang establisimyento.
Ayon sa Tanza Municipal Police Station, nadiskubre ng mga tauhan ng gasolinahan 6:00 ng umaga noong Linggo na pilit na nabuksan ang kanilang vault at nawawala na ang laman nitong pera.
Lumabas sa imbestigasyon na dalawang araw bago ang insidente ay nagkaroon umano ng komprontasyon sa pagitan ng manager ng gasolinahan at isang empleyado na sinibak sa trabaho.
Sinasabing nagbanta pa umano ang naturang dating empleyado gamit ang isang replica ng armas matapos ang kanilang pagtatalo.
Bagama’t wala pang opisyal na itinuturong suspek, isa ito ngayon sa mga anggulong masusing sinusuri ng mga awtoridad kaugnay ng naganap na pagnanakaw.
Patuloy naman ang backtracking, pagrepaso sa mga CCTV footage, at iba pang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy at madakip ang mga responsable sa insidente.

