18 ex-Marines, pinagbabantaan at ‘inaalok’ ng pera para manahimik sa isyu ng korapsiyon
Ito umano ang alok laban sa 18 dating Marines para umatras at manahimik na lamang sa halip na magsalita laban sa isyu ng korapsyon.
Ngayong araw nang maghain ng kanilang counter-affidavit ang mga ito kasama ng iba pang inireklamo gaya ng kanilang abogadong si Atty. Levi Baligod, dating Cong. Mike Defensor, at dating broadcaster na si Jay Sonza.
Sa ambush interview kay Baligod, ibinunyag nitong may mga natatanggap na death threats at mga offer na pera ang 18 marines kapalit ng kanilang pananahimik.
Minamanmanan din umano ang mga ito ng mismong mga tauhan ng Presidential Security Command at iba pang intelligence agencies ng gobyerno.
Ayon kay Baligod, may mga panibagong testigo rin silang ilalabas na kasama rin sa paghahatid umano ng pera sa mga opisyal ng gobyerno.
Sabi naman ni Defensor, hindi sila titigil kahit sampahan ng patung-patong na kaso at patuloy silang mananawagan na ipatawag ang 18 marines sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon sa flood control anomaly at iba pang korapsiyon.
Samantala, naghain din ng counter affidavit sa DOJ si Sonza kaugnay sa reklamo sa kaniya ni dating Senador Antonio Trillanes
Tiwala naman ito na magkakaroon ng makatwirang desisyon ang Justice Department kaugnay sa kaso.

Share.