Inaprubahan ng House of Representatives ang House Resolution No. 93 na kumikilala at bumabati sa Pinoy pop group na BINI matapos silang maging kauna-unahang Filipino pop act na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival 2026.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos III, ipinapakita ng pagkilalang ito hindi lamang ang international breakthrough ng BINI kundi pati ang lumalawak na abot ng talento at pagkamalikhain ng mga Pilipino sa buong mundo.
“BINI’s Coachella moment belongs to every young Filipino who has ever dreamed of bringing our music, language and creativity to the global stage,” pahayag ni Marcos.
Sa resolusyon, kinilala ang BINI—na binubuo nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena—bilang “Nation’s Girl Group” dahil sa ambag nila sa P-pop movement at sa pagpapalaganap ng Original Pilipino Music sa pandaigdigang entablado.
Nakasaad din na ang kanilang pagtatanghal sa Coachella, isa sa pinakamalalaking music festival sa mundo, ay mahalagang tagumpay para sa Philippine music at creative industries.
Nagtanghal ang BINI noong Abril 10 at 17 sa Empire Polo Club sa Indio, California, kung saan nagbigay sila ng 45-minutong set sa Mojave stage, kabilang ang debut ng kantang “Blush” mula sa kanilang EP na “Signals,” at mga hit na “Pantropiko,” “Karera,” at “Salamin, Salamin.”
Ayon kay Marcos, ang pagkilalang ito ay mensahe rin ng suporta sa mga kabataang Pilipino na nagnanais pumasok sa creative industries, at patunay na ang pagkamalikhain ay maaaring maging propesyon at pinagmumulan ng pambansang karangalan.
“Para sa maraming kabataan (for many youth), BINI proves that creativity can be a path, a profession and a source of national pride,” aniya.
Dagdag pa niya, ang creative economy ay bahagi ng nation-building dahil lumilikha ito ng trabaho, nagbibigay-inspirasyon sa komunidad, at nagpapalaganap ng kulturang Pilipino sa buong mundo.
Ibibigay ang kopya ng resolusyon sa BINI bilang opisyal na pagkilala ng House of Representatives.

Share.