Tinatayang P5.41 milyong halaga ng umano’y ilegal na sigarilyo ang nasabat sa magkakasabay na operasyon sa Taytay, Palawan noong Biyernes, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG, isinagawa ang operasyon sa Sitio Arado 2 at Monte Vista, Barangay Poblacion matapos makakalap ng impormasyon ang Coast Guard intelligence operatives tungkol sa umano’y ilegal na sigarilyo sa lugar.
Sabay-sabay na isinilbi ng mga operatiba ang mga search warrant sa tatlong warehouse, na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek.
Nakumpiska rin sa operasyon ang 2,050 reams at 148 master cases ng hinihinalang ilegal na sigarilyo, isang motorsiklo na may sidecar, at P104,991 na cash.
Kasalukuyang sumasailalim sa dokumentasyon at imbentaryo ang mga nasamsam na ebidensya bilang bahagi ng case build-up.
Mahaharap ang mga nasakote sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, at iba pang naaangkop na batas.

Share.