Iniugnay ng Philippine National Police (PNP) sa pinaigting na intelligence operations at koordinadong security deployment ang mapayapa at walang naitalang insidente sa paghahain ng certificates of candidacy (COCs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa inilabas na pahayag nitong Martes, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na positibo nilang tinanggap ang ulat ng Commission on Elections (Comelec) na walang naganap na kaguluhan sa panahon ng paghahain ng kandidatura.
“The zero-incident report from Comelec is a testament to the collective desire of the Bangsamoro people for a peaceful transition,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, patunay umano ito na epektibo ang mga ipinatupad na security protocols ngunit nananatili pa rin silang alerto habang papalapit ang halalan sa Setyembre 14.
Nauna nang iniulat ni Comelec chairman George Garcia na naging mapayapa ang tatlong araw na filing ng COCs para sa kauna-unahang BARMM parliamentary elections mula Mayo 5 hanggang 7 sa lahat ng 32 parliamentary districts.
Ayon kay Nartatez, bunga ito ng maagang koordinasyon ng iba’t ibang security stakeholders sa rehiyon.
Naglatag din umano ng visible security presence sa mga strategic areas upang mapanatili ang kaayusan at mapigilan ang anumang banta habang isinasagawa ang filing period.
“We attribute this success to the synergy between our local police units, the AFP, and the community leaders,” ani Nartatez.
Aniya, mahigit 9,000 personnel kabilang ang elite Special Action Force units ang maagang ipinakalat upang hadlangan ang anumang tangkang manggulo sa proseso.
Idinagdag pa niya na naging epektibo rin ang kanilang “intelligence-driven” approach upang maagap na matukoy at ma-neutralize ang mga posibleng banta bago pa man magsimula ang filing ng kandidatura.
Upang mapanatili ang mapayapang sitwasyon hanggang sa mismong halalan, inatasan ni Nartatez ang mga field commanders at personnel sa BARMM na manatiling alerto at non-partisan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Our mission is to ensure that the ‘rule of the ballot’ remains supreme over the ‘rule of the gun,’” ani Nartatez.
Nakatakda ang BARMM parliamentary elections sa Setyembre 14 matapos lagdaan ni Pangulong Marcos ang batas na nagtakda ng bagong election timetable.
Ang unang hanay ng mga halal na opisyal ay magsisilbi ng limang taon mula Oktubre 2026 hanggang Hunyo 2031 bago ito isabay sa national elections kada tatlong taon.

Share.