Nanawagan si Sharon Cuneta kay dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo na muling pag-isipan ang nauna nitong pahayag na hindi na siya tatakbo sa 2028 national elections.
“Dearest Ma’am Leni, PLEASE RECONSIDER… You are the one who can unite these different parties. You have proven na ipaglalaban niyo ang PILIPINAS,” sabi ni Sharon sa isang Instagram post nitong Miyerkoles.
Itinulak din niya si Robredo na pumili ng bise presidente na makakukuha ng mas malawak na suporta. Kapwa raw sila magiging “all-out” ng asawang si Senador Kiko Pangilinan, na naging running mate ni Robredo noong 2022 elections.
“Ma’am, mas madami na pong di hamak na umaasa sa inyo ngayon… please, Ma’am Leni. We are all storming the heavens with our prayers for you to change your mind and run once more-just one more time po Ma’am, for President.”
“Naghihintay lang po kaming lahat Ma’am, mga kakampink noon at mga naging kakampink na ngayon. Mahal na mahal po namin kayo at patuloy na naniniwala sa katapatan at abilidad ninyo na patakbuhin at alagaan ang ating bansa. Support is gathering for you more than ever. Just say the word, Ma’am…,” dagdag pa niya.
Magtutungo rin daw sa Naga ang anak nilang si Miguel upang muling pakiusapan si Robredo at ipaalala ang naging usapan sa isang victory dinner ni Pangilinan, na hindi na niya idinetalye.

Share.