Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na magiging transparent o bukas sila sa buong proseso ng pagharap sa batas ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa oras na makabalik ito sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño ang pangakong ito, ilang araw matapos kumpirmahin ni Pangulong Bongbong Marcos na naaresto na si Co sa Czech Republic.
Ayon kay Tuaño, masusunod ang maayos at malinaw na proseso mula sa paglapag ng dating mambabatas sa bansa hanggang sa pagdadala rito sa Camp Crame.
Dagdag pa ng opisyal, agad dadalhin si Co sa Criminal Investigation and Detection Group para sa kinakailangang dokumentasyon at pagkuha ng fingerprint.
Sasailalim din ang dating kongresista sa physical at medical examinations.
Pagkatapos ng lahat ng prosesong ito, agad siyang dadalhin sa Sandiganbayan upang doon ibalik ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya.
Nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation. Ito ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro na nagkakahalaga ng P289 milyon.

Share.