Ayon sa Philippine National Police (PNP), umabot na sa 294 ang mga gasolinahang pansamantalang nagsara sa buong bansa hanggang Abril 18, 2026 dahil sa pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng digmaan sa Middle East.
Sinabi ng PNP na binabantayan nila ang kabuuang 14,257 gas stations sa bansa.
Mula Marso 1 hanggang ngayon, nakapagsampa na ang mga awtoridad ng 27 kaso kaugnay ng fuel violations, kabilang ang 7 kaso ng hoarding, 1 kaso ng profiteering, at 19 pang kaso ng ilegal na pag-iimbak, transportasyon, at bentahan ng produktong petrolyo.
Noong Abril 17, nagsagawa ng operasyon sa Barangay Santa Ana, Tubay, Agusan del Norte na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang lalaki na may alyas na “Ando” at “Bote” dahil sa umano’y oil pilferage o “paihi.”
Ayon sa imbestigasyon, nahuli ang mga suspek habang inililipat ang gasolina mula sa tanker truck papunta sa mga drum at maliliit na lalagyan para sa ilegal na bentahan. Ang truck ay galing umano sa Cagayan de Oro City.
Nasamsam sa operasyon ang isang trailer tanker na may laman na petrolyo at isang drum na may tinatayang 180 litro ng langis. Tinatayang nasa P6.62 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya.
Kakasuhan ang mga suspek sa ilalim ng Presidential Decree No. 1865 na nag-amyenda sa Batas Pambansa Blg. 33.
Trending
- Mahigpit na regulasyon sa LPG industry, itinutulak
- Matinding init patuloy, walang bagyo ngayong Abril
- Mataas na suweldo, plantilla position para sa mga komadrona itinulak
- Gen Z mas tumibay sa gitna ng krisis – Cayetano
- Edukasyon, licensure, training ng guro, irereporma sa Senado
- Meralco customers, aasahan ang pagtaas ng singil sa kuryente simula Setyembre
- 1.3M Pinoy maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis
- PhilHealth: benefit package para sa heat-related illnesses

