Tumaas ang mga insidente ng sunog sa Pilipinas sa unang bahagi ng 2026 ngunit bumaba naman ang bilang ng mga nasawi at pinsala sa ari-arian, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa pinakahuling datos ng BFP, tumaas ng 28 percent ang fire cases mula sa 3,184 sa first quarter ng 2025 sa 4,092 ngayong taon.
Sa kabila nito, bumaba naman ng 18 percent ang fire-related deaths mula sa 122 ay naging 100, habang bumaba din ang total damage ng 19.28 percent, na mula sa ₱2.66 billion ay naging ₱2.15 billion.
Nananatiling nangungunang sanhi ng sunog ang electrical fires, bagamat bumaba ang mga kaso nito mula 1,503 noong 2025 sa 1,281 ngayong taon.
Tumaas naman ang open flame incidents mula 788 patungong 861, habang ang sunog na dulot ng ’embers and sparks’ ay bahagyang bumaba mula 367 patungong 342.
Tumaas naman ng 29.20 percent ang structural fires mula 2,822 kaso patungong 3,646 kaso, habang naitala ang 446 kaso ng vehicular fires ngayong taon.
Sa Metro Manila, ang mga insidente ng sunog ay bumaba ng 20 percent mula sa 908 noong 2025 sa 721 kaso ngayong taon.
Matindi rin ang pagbaba ng bilang ng mga nasawi sa NCR, o 72 percent na pagbaba mula 47 ay naging 13.
Sa kabila nito, ang total fire damage sa rehiyon ay tumaas ng 34 percent na umabot sa ₱681.1 million mula sa ₱509 million noong nakaraang taon.

Share.