Arestado ang tatlong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) matapos umanong isailalim sa hazing ang mahigit 20 underclassmen sa loob ng akademya.
Nagtamo umano ng mga paso at lapnos ang mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kabilang ang likod, binti, at maging sa maseselang parte, matapos pahiran ng pinaghalong drain cleaner at muriatic acid.
Nadiskubre ang insidente madaling araw ng Biyernes Santo sa loob ng Barracks 2 matapos mapansin ng isang cadet guard detail ang hindi pangkaraniwang aktibidad ng grupo ng mga kadete na dapat ay nagpapahinga na.
Agad itong iniulat sa tactical officer, na ipinaabot naman sa commandant hanggang sa director ng PNPA. Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, mismong ang pamunuan ng akademya ang nakadiskubre ng insidente.
“Actually the Director PNPA was the one who reported it. He was the one who caught it so, buti na lang vigilant siya. And the Chief (PNP) will also be on top of it also, we’ve been working together on this,” ani Remulla.
Sa imbestigasyon, lumabas na tatlong 3rd Class cadet ang direktang sangkot habang may pito pang hindi pa nakikilalang suspek.
“We strongly condemn the hazing incident which occurred in the PNPA as per investigation there are three identified culprits and seven John Does,” dagdag ni Remulla.
Batay sa nakalap na impormasyon, nagsimula umano ang hazing matapos sisihin ng mga suspek ang mga plebo kaugnay ng isang 4th Class cadet na balak nang mag-resign, dahilan upang parusahan umano ang buong grupo.
Gamit ang brush at toothbrush, pinahiran umano ng kemikal ang katawan ng mga biktima na nagdulot ng matinding pinsala. Patuloy namang nagpapagaling ang mga nasugatang kadete at binibigyan ng medikal at sikolohikal na suporta.
“The victims will be protected, they’ll have counseling, they’ll have medical treatment and they’ll continue with their studies,” ayon pa kay Remulla.
Sa panig ng PNPA, tiniyak ni Director P/Maj. Gen. Andre Dizon na agad nilang tinugunan ang insidente upang matiyak ang kaligtasan ng mga kadete.
Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Sinibak na rin sa puwesto ang Tactical Officer of the Day habang sinusuri ang posibleng pananagutan nito sa ilalim ng command responsibility.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 11053 at administratibong kaso na maaaring magresulta sa kanilang tuluyang pagtanggal sa akademya.
Muling iginiit ng PNPA at Philippine National Police ang kanilang zero tolerance policy laban sa hazing.
Samantala, mariing kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang naiulat na hazing incident sa loob ng PNPA, na tinawag na seryosong paglabag sa batas, dignidad ng tao, at propesyonalismo sa hanay ng kapulisan.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Atty. Raphael Calinisan, walang anumang dahilan o paliwanag ang maaaring magbigay-katwiran sa ganitong uri ng gawain, lalo na sa isang institusyong humuhubog sa mga magiging lider ng law enforcement.
Bubuo ang NAPOLCOM ng Task Force para malaman ang buong katotohanan at kung ano ang punot-dulo ng pangyayari.
Dagdag pa ni Calinisan na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng hazing, sa loob at labas ng institusyon, lalo na sa loob ng PNPA, kaya sa lahat ng may direktang partisipasyon papanagutin sa batas at pagkasibak sa serbisyo sa mga police leader na mapapatunayang may kinalaman sa insidente.
Trending
- Kaila Estrada, Daniel Padilla wapakels pa rin sa mga viral photo na magkasama
- Julia Barretto aminadong nakadama ng pressure sa pagiging Barretto
- Ogie Alcasid ‘napikon’ kay Vice Ganda
- Higit P3.7m ilegal na gamot nasabat sa Lucena City
- Ammonia, tumagas sa ice plant sa Caloocan: 10 naospital, 90 inilikas
- 100 puno inatake ng peste
- Bagong laya todas, Pulis sugatan sa engkuentro sa Pasay
- 8 lugar tutustahin ng malaimpyernong damang-init

