Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, kasama ang Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID), ang isang kargamento na naglalaman ng hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride o “shabu” na tinatayang nagkakahalaga ng P3,536,000.00. Nagmula pa ang parcel sa Zambia at nakatakda sanang ipadala sa Cavite.
Sa pamamagitan ng pinalakas na profiling at non-intrusive inspection ng X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC, agad na na-flag ang kargamento nang magpakita ng kahina-hinalang imahe sa X-ray. Nagpositibo rin sa indikasyon ng ilegal na droga ang isinagawang K-9 sniff test, dahilan upang isailalim ito sa 100% physical examination.
Sa masusing inspeksiyon, tumambad sa mga opisyal ang isang motor vehicle filter. Natagpuan sa loob ng filter cylinder ang limang rectangular na paper containers na gawa sa carbon paper at nakapaloob sa metal mesh. Sa karagdagang pagsusuri, nadiskubre ang limang sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiyang hinihinalang shabu. Batay sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku spectrometer, nakitaan ito ng presensya ng ipinagbabawal na droga.
Kinumpirma ng sumunod na laboratory test na tunay ang substansiya na methamphetamine hydrochloride, na kabilang sa “dangerous drugs” ayon sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may mga amyenda.
Naglabas si District Collector Jairus S. Reyes ng Warrant of Seizure and Detention laban sa naturang kargamento dahil sa paglabag sa Sections 1400, 118(g), 119(d), at 1113 paragraphs (f), (i), at (l)(3) at (4) ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. 9165.
Binigyang-diin ni Collector Reyes ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga tauhan ng Customs. “Ipinapakita ng operasyong ito ang halaga ng tuloy-tuloy na pag-invest sa kaalaman at profiling skills ng ating mga examiner upang matukoy ang mga kahina-hinalang padala at mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa ating mga komunidad,” aniya.
Samantala, binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mas malalim na layunin ng BOC sa kanilang anti-drug campaign. “Higit pa sa mga nasasabat, ang aming misyon ay protektahan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagpigil sa pinsalang dulot ng mga ilegal na droga sa mga pamilya at komunidad,” pahayag ng Komisyoner.
Patunay ang matagumpay na operasyong ng patuloy na pagsuporta ng BOC sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na paigtingin ang laban kontra ilegal na droga, palakasin ang seguridad sa mga border, at pangalagaan ang bansa mula sa masasamang epekto ng ipinagbabawal na substansiya.
Trending
- Kaila Estrada, Daniel Padilla wapakels pa rin sa mga viral photo na magkasama
- Julia Barretto aminadong nakadama ng pressure sa pagiging Barretto
- Ogie Alcasid ‘napikon’ kay Vice Ganda
- Higit P3.7m ilegal na gamot nasabat sa Lucena City
- Ammonia, tumagas sa ice plant sa Caloocan: 10 naospital, 90 inilikas
- 100 puno inatake ng peste
- Bagong laya todas, Pulis sugatan sa engkuentro sa Pasay
- 8 lugar tutustahin ng malaimpyernong damang-init

