Bahagi na ng kasaysayan ang natapos na kampanya ni Alex Eala sa Wimbledon Championships.

Nagpaalam na si Eala sa grass courts ng Wimbledon at umaasang muli tiong babalik sa susunod na taon.

“Sometimes, the grass is greener on your own side. See you all on the green next year!” ani Eala sa kanyang post sa social media.

Kaya naman sesentro na ang atensiyon nito sa hard court season kung saan target nitong makapasok ng awtomatiko sa main draw ng prestihiyosong US Open sa New York na gaganapin sa Agosto.

Sisimulan ni Eala ang hard court campaign nito sa pagsabak sa W1000 National Bank Open na gaganapin sa Hulyo 26 hanggang Agosto 7 sa Montreal, Canada.

Bigatin ang torneong ito na lalahukan ng malalakas na tennis players sa mundo kabilang na ang Top 4 players na sina Aryna Sabalenka ng Belarus, Coco Gauff ng Amerika, Jessica Pegula ng Amerika at Iga Swiatek ng Poland.

Nais ni Eala na masundan ang impresibong kampanya nito sa Miami Open kamakailan kung saan tatlong Grand Slam champions ang pinataob nito kabilang na si Swiatek.

Tinalo rin ni Eala sina reigning Australian Open champion Madison Keys ng Amerika at Jalena Ostapenko ng Latvia.

Kung magtutuluy-tuloy ang pag-angat ni Eala sa WTA rankings, posibleng muli itong makakuha ng awtomatikong tiket sa main draw ng US Open na gaganapin naman mula Agosto 24 hanggang Setyembre 7 sa Queens New York.

Kasalukuyang nasa No. 56 si Eala sa actual WTA rankings.

Sanay na sanay si Eala sa hard court.

Sa katunayan, may US Open juniors title ito noong 2022.

Share.