TIMBOG ang 48-anyos na lalaki na nagwala at nanutok ng baril sa mga pulis na nagtangkang umawat sa kanya Miyerkules ng hapon sa Tondo, Maynila.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sakay ng kanilang motorsiklo ang dalawa niyang tauhan patungo sa punong himpilan nang mapadaan sa kanto ng Quezon at Herbosa Streets sa Tondo at matiyempuhan ang pagwawala ng suspek dakong ala-1:00 ng hapon habang armado ng baril at patalim
Umiral ang pagigigng alagad ng batas ng dalawang tauhan ng NPD kaya’t, tinangka nilang payapain ang suspek subalit lalu itong nagwala at itinulak pa ang kamay ng papalapit na pulis sabay tutok ng hawak niyang baril.
Nagkataon namang sa naturan ding lugar nakatira ang isa pang tauhan ng NPD at nang masaksihan ang pangyayari, dinamba niya mula sa likuran ang suspek kaya’t nabitawan ang hawak na baril hanggang tuluyan na siyang madakip.
Dinala ng mga tauhan ng NPD ang suspek sa Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District (MPD), pati na ang nakumpiska sa kanyang kalibre .38 revolver na kargado ng anim na bala at isang balisong.
Ayon kay BGen. Capili, mahaharap ang suspek sa patong-patong na mga kasong Alarms and Scandals, Resistance and Disobedience to a Person in Authority, paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Regional Ordinance No. 864-C o concealment of bladed weapon.
Dagdag pa ng opisyal, ang insidente ay sumasalamin sa kahalagahan ng pagiging mapagmatyag, mabilis na pagresponde, at koordinasyon sa hanay ng kapulisan para agad na matugunan ang mga insidenteng may pagbabanta sa kaligtasan ng publiko. (Edison de Jesus)

