ARESTADO ang 21-anyos na kelot na wanted sa dalawang bilang ng kasong Homicide sa Lungsod ng Navotas nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Occidental Mindoro.

Sa ulat, ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago umano ang akusado sa lalawigan ng Occidental Mindoro ang akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Navotas CPS.

Lumayas umano sa Navotas ang akusado nang malaman naglabas ng arrest warrant laban sa kanya ang Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 286, Navotas City para sa dalawang bilang ng kasong Homicide.

Kaagad nakipag-ugnayan mga tauhan ni Col. Pinuela sa Occidental Mindoro Provincial Intelligence Unit, San Jose Municipal Police Station, at Mamburao Municipal Police Station bago ikinasa ang operation na dahilan ng matagumpay na pagkakaaresto sa akusado sa Brgy. 4, San Jose, Occidental Mindoro.

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin pabalik sa Navotas ng mga operatiba ng Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ng Navotas CPS kung saan siya pansamantalang nakapiit habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Sinabi ni Col. Pinuela na patuloy ang NCPS sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga wanted na indibidwal upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.(Roger Panizal)

Share.