NAKAUWI na ang 15 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Bahay Kalinga sa Riyadh, Saudi Arabia na napauwi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW) ng Martes (Oktubre 20), na ibiyahe patungong Dammam sakay ng flight pauwi sa Pilipinas.
Kasama ng 15 OFWs mula Riyadh patungong Dammam ang isang OWWA Welfare Officer at iba pang kawani ng OWWA Riyadh, na umalalay at tumulong makauwi ng bansa.
Dumating ang grupo ng Martes kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Gulf Air Flight GF154.
Nasa 99 ang kabuuang bilang ng mga OFWs na natulungan ng OWWA mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 20, kabilang ang unang 34 na dumating noong Oktubre 19 at ang 50 na dumating kahapon ng umaga na ibiyahe mula Riyadh patungong Al Qassim.
Kabilang sa mga inihandang tulong ng OWWA ang airport assistance, transportasyon, pansamantalang matutuluyan, at domestic flight assistance para sa mga magpapatuloy ng biyahe patungo sa kani-kanilang probinsya.
Samantala, dumating kagabi ang 50 OFWs sa Pilipinas (Oktubre 20), ng alas-10:20 ng gabi, sakay ng Qatar Airways . Ang kanilang repatriation ay isinasagawa sa pamamagitan ng Aksyon Fund ng Migrant Workers Office (MWO), sa patuloy na pagtutulungan ng OWWA at DMW upang makauwi ang mga apektadong OFWs.
Bukod dito, 249 pang OFWs ang nakatakdang umuwi sa Pilipinas ngayong araw (Oktubre 21) hanggang Oktubre 26, sa patuloy na repatriation operations na sinusuportahan ng supplemental Emergency Repatriation Fund (ERF) ng OWWA.
Patuloy ang koordinasyon ng OWWA at DMW, katuwang ang Philippine Embassy sa Riyadh at mga Migrant Workers Office sa Saudi Arabia, para maisaayos ang kanilang mga biyahe patungo sa mga paliparan sa Al Qassim at Dammam habang naghihintay makasakay.
Ang mga repatriation operations ng OWWA ay sinusuportahan sa pamamagitan ng supplemental Emergency Repatriation Fund (ERF), na ginagamit para sa pagpapauwi at kaugnay na welfare assistance sa mga apektadong OFWs.
Ang hakbang ay isinagawa sa bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW, sa ilalim ng Saving Lives pillar ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program. (Gina Garcia)

