Arestado ang dalawang katao at nasabat ang mahigit P9.53 milyong halaga ng live exotic wildlife sa Eva Macapagal Port sa Surigao City, Surigao del Norte noong Setyembre 18, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa PNP, isinagawa ang operasyon kasunod ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal transport of wildlife.
Nasakote ang dalawang lalaking driver, edad 34 at 41, matapos mabigong makapagpakita ng kinakailangang permit at kaugnay na dokumento mula sa kinauukulang issuing agency.
Kabilang sa mga nasamsam na wildlife ang dalawang White Cockatoo, 23 Indian Star Tortoises, dalawang Star Tortoise, tatlong Red-and-Blue Eclectus Parrot, tatlong Green Eclectus Parrot, dalawang Giant Aldabra Tortoise, isang adult Ploughshare Tortoise, anim na batang tortoise at dalawang Bearcat o Benturong.
Nasamsam din ang isang Golden Retriever at isang Shih Tzu, isang white utility vehicle, armas, magazine at bala, cash, mobile phones at iba pang personal na gamit.
Umabot sa P9,533,385 ang kabuuang tinatayang halaga ng lahat ng nakumpiskang ebidensya.
Dinala ang mga wildlife at iba pang ebidensya sa Headquarters Regional Maritime Unit 13 para sa beripikasyon at tamang disposisyon bago i-turn over sa DENR at iba pang kaukulang ahensya. Patuloy namang bineberipika ang armas.
Haharap ang dalawang naaresto sa kaukulang proseso dahil sa umano’y paglabag sa Section 27(i) ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Inihahanda na ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng mga kaso sa Office of the Prosecutor.

Share.