Ipinagbawal na ng Montenegro Lines ang pagsakay o pagkakarga ng mga electric vehicle (EV) at hybrid electric vehicle (HEV) sa kanilang mga barko bilang safety precaution.
Sa memorandum na may petsang Setyembre 16, sinabi ng kompanya na ipatutupad ang pagbabawal matapos ang isang kamakailang insidente kung saan posibleng nagmula sa isang electric vehicle ang pagsabog, batay sa paunang imbestigasyon.
Sakop ng direktiba ang lahat ng EV at HEV, maging bilang passenger o cargo carriage.
Ayon sa Montenegro Lines, layunin ng hakbang na mabawasan ang panganib ng sunog, pagsabog, thermal runaway at iba pang posibleng panganib na may kaugnayan sa mga baterya ng electric at hybrid vehicle.
Inatasan ang mga vessel master na tiyaking walang EV o HEV na tatanggapin para sa boarding o pagkakarga. Kailangan din nilang makipag-ugnayan sa Operations Department, terminal, ticketing, loading at cargo personnel para sa mahigpit na pagpapatupad ng direktiba.
Dapat din umanong agad na i-report sa Operations Department at Safety and Quality Assurance Department ang anumang pagtatangkang magpasakay o magkarga ng electric o hybrid vehicle.
=======

Share.