Hindi pa rin pinalad si Vilma Santos na mapasama sa hanay ng National Artists matapos ilabas ng Malacañang ang bagong batch ng 10 Pambansang Alagad ng Sining.

Inabangan ng solid Vilmanians ang announcement dahil umaasa silang pagkakataon na ito para maigawad sa Star For All Seasons ang naturang pagkilala.

Ngunit nang lumabas ang mga pangalan sa ilalim ng Proclamation No. 1414, wala sa listahan si Governor Vi.

Hinirang bilang National Artists sina Gabriel P. Formoso para sa Architecture, Rafael “Nonoy” Catalino Froilan para sa Dance, Maria Beatriz “Patis” Tesoro para sa Fashion Design, Armando “Bing” Lao para sa Film, Gregorio C. Brillantes para sa Literature at Nicanor G. Tiongson para sa Theater Scholarship.

Kasama rin sa bagong batch sina Alfredo S. Buenaventura para sa Music, Teodoro L. Hilado para sa Theater Lighting Design, at visual artists na sina Imelda Cajipe-Endaya at Nunelucio M. Alvarado.

May panibagong kasaysayan namang naitala si Cajipe-Endaya bilang kauna-unahang babaeng National Artist sa Visual Arts. Co-founder siya ng all-women artist collective na “Kasibulan” at naging unang editor ng “Pananaw: Philippine Journal of Visual Arts.”

Pinarangalan din ang yumaong filmmaker at screenwriter na si Bing Lao, na nasa likod ng mga pelikulang “Kinatay,” “Serbis,” “Kubrador,” “Pila Balde,” “Itanong Mo Sa Buwan,” “Takaw Tukso,” “Saan Nagtatago Ang Pag-Ibig” at “La Vida Rosa.”

META: Hindi pa rin pinalad si Vilma Santos na mapasama sa hanay ng National Artists matapos ilabas ng Malacañang ang bagong batch ng 10 Pambansang Alagad ng Sining.
====

Share.