Sugatan ang son-in-law ng isang popular na kandidata para sa 80-seat parliament Bangsamoro Autonomous Region ng ratratin ng mga motoristang armado ang kanilang tahanan sa Sitio Riverside sa Barangay Matibay sa Lamitan City, Basilan noong Biyernes.
Sa inisyal na ulat ng Lamitan City Police Station at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na dinala sa pagamutan ang sugatang negosyanteng si Halid Dompol Mujanil, 34-anyos, upang malapatan ng lunas.
Si Mujanil ay son-in-law ni Rima Hassan, kandidata sa pagka-parliament member ng parliamentary seat ng 1st district sa Lamitan City sa Basilan, isang component-province ng BARMM.
Gaganapin ang pinakaunang BARMM parliamentary elections sa Lunes, September 14. Sakop ng BARMM ang mga probinsya ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Tawi-Tawi at ang mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato, ang regional capital ng rehiyon.
Ayon sa mga local executives sa Basilan, si Hassan ay isa sa mga malalakas na aspirant sa probinsya para sa 80-member parliament ng BARMM.
Mabilis na nakatakas ang mga motoristang bumaril sa tahanan ni Hassan, ayon sa mga kinauukulan.
=====

Share.