Pormal nang nagretiro sa Gilas Pilipinas si nine-time PBA MVP June Mar Fajardo matapos ang 13 taon niyang paglalaro para sa national team.
Pagpasok ni Fajardo sa second quarter ng huling laro niya para sa national team kontra Iran sa Mall of Asia Arena nitong Linggo, August 30, sinalubong siya ng malakas na sigawan at palakpakan ng mga manonood.
Matapos naman niyang umiskor gamit ang kanyang trademark jump hook, umalingawngaw ang mga sigaw na “MVP” sa loob ng arena.
Matamis ang kanyang huling laro para sa Gilas dahil sa 68-56 na panalo ng Pilipinas kontra Iran, kung saan nakatanggap din siya ng game ball bilang alaala sa pagtatapos ng kanyang career sa national team.
“Nakakatuwa, dito ako magre-retire sa homecourt. Ginawa ko best ko, binigay ko best ko, ni-represent ko ‘yung bansa sa abot ng makakaya ko,” pahayag ng Cebuano gentle giant matapos wakasan ng Gilas ang isang perpektong serye ng laban sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Aminado rin ang 6-foot-10 na sentro na naging emosyonal siya sa kanyang huling national team appearance, lalo na nang tumugtog ang national anthem at makita ang kanyang apelyido sa scoreboard sa huling pagkakataon.
“Ang bilis ng panahon. Ito na talaga, kaya nga kanina nu’ng national anthem parang na-emotional ako kasi parang ‘yun na ‘yung last na makikita ko ‘yung apelyido ko sa scoreboard,” ani Fajardo.
Sa kabila nito’y masaya at proud daw siya sa kung anong na-achieve niya sa national team. Marami raw kasi siyang natutunan at nakuhang memories sa paglalaro niya para sa bansa.
Saad pa niya, ipapa-frame niya ang lahat ng isinuot niya at tatatakan ang mga ito ng “last game”.
Unang sumabak si Fajardo sa national team sa 2013 FIBA Asia Championships sa Mall of Asia Arena.

