Nasawi ang dalawang katao at sugatan ang isang truck driver nang mawalan ng kontrol ang kanilang sasakyan at bumangga sa poste ng kuryente bago tuluyang bumaligtad sa Cotabato-Davao Highway sa Barangay Malasila, Makilala, Cotabato noong Biyernes, Agosto 28, 2026.

Kinilala ang mga nasawi na sina Edwin Quiretan at Felipe Datulayta, kapwa truck helper ni driver Mark Obatay.

Ayon kay Lt. Col. Tristan Vergel Sablada, hepe ng Makilala Municipal Police Station, umakyat umano sa bahagi ng highway ang truck nang biglang pumalya ang braking system nito.

Dahil dito, nawalan ng kontrol si Obatay sa minamanehong truck na nagtangkang magmaniobra sa paakyat na bahagi ng kalsada sa Purok Centro.

Tumama ang truck sa isang poste sa gilid ng highway, gumulong at tuluyang bumagsak sa tagiliran nito.

Agad na isinugod sa ospital sina Quiretan at Datulayta, subalit kapwa sila namatay dahil sa tinamong mga pinsala.

Samantala, nagtamo naman ng mga sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Obatay at kasalukuyang nagpapagamot sa isang ospital.

Ayon sa ulat, kargado ng mga sako ng semento mula Davao City ang truck at patungo sana sa mga bayan sa unang distrito ng Cotabato nang mangyari ang aksidente.

Tinutulungan naman ng lokal na pamahalaan ng Makilala at tanggapan ni Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang pagpapauwi ng mga labi ng dalawang biktima sa kanilang mga pamilya sa Banisilan at Midsayap, Cotabato.

 

 

Share.