Nais ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na amyendahan ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng batas hinggil sa firearms upang bigyang-daan ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng home inspection sa mga lisensiyadong may-ari ng baril.
Inihayag ito ni Secretary Jonvic Remulla sa Kamara habang tinatalakay ang panukalang 2027 budget ng DILG nitong Huwebes, Agosto 27.
Ayon kay Remulla, layunin ng panukala na masiguro na maayos at ligtas na iniingatan ng mga gun owner ang kanilang mga armas sa loob ng kanilang tahanan.
Napag-ugatan umano ng panukala ang mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga, kung saan natuklasang hindi maayos ang pagkaka-safekeep sa mga baril na ginamit sa mga insidente.
Sinabi ni Remulla na sa kaso sa Tacloban, naiwan umano ng tiyahin ng suspek ang baril sa ibabaw ng mesa. Sa insidente naman sa Zamboanga, naiwan umano ang baril sa loob ng sasakyan.
Sa ilalim ng mungkahing pagbabago, bibigyan ng access ang PNP sa mga tahanan ng mga taong may legal firearms upang masuri kung paano nila iniingatan ang kanilang mga armas.
Gayunman, sinabi ni Remulla na aabisuhan muna nang maaga ang mga gun owner bago isagawa ang inspeksiyon.

=====

Share.