NAKATAKDANG iwagayway ni John Andrei Samadio ang bandila ng Pilipinas sa nalalapit na Combat Wrestling World Championships ngayong September 6, 2026 sa Goyang, South Korea.

Napili ng Combat Wrestling Philippines ang 25-year old combat wrestler mula Los Banos, Laguna bilang lone entry ng bansa sa nalalapit na World Championships na inaasahang lalahukan ng mga grapplers at recreational wrestlers mula sa 12 na mga bansa.


Bitbit ang naging karanasan buhat nung manalo ng silver medal sa 2024 Asian Combat Wrestling Championships sa Men’s 73 kg, nais ni Samadio na magpakita ng husay sa pag-balibagan laban sa mga iba’t ibang international counterparts at upang makadagdag pang lalo sa exposure at experience ng koponan.

Kagaya ng mga nakaraang competisyon na nilahukan ng Philippine Combat Wrestling Team, magiging self-funded ang kampanya nito sa tulong ng mga private sponsors at individuals habang hinihintay pa ang magiging suporta ng PSC at Philippine Olympic Committee.

Nakatulong rin ang pagdaraos ng Buno sa Angono 2: Combat Wrestling and Takedown Challenge na idinaos nitong August 2 sa Angono Municipal Gym upang mas lalo pang palawakin ang interes sa combat wrestling lalo na sa grassroots development at sa paghahanap ng mga susunod na medal potentials.

Kasunod ng panalo nito sa Buno sa Angono 2 ng gintong medalya, hangad ni Samadio na makapagdala ng karangalan sa bansa at magsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga kabataan kundi sa kanyang ama na isa sa mga top supporters niya.
====

Share.