Binawi ng limang miyembro ng tinaguriang 18 “Maleta Boys”, o ang mga indibidwal na nagpakilalang dating bodyguard ni dating Cong. Zaldy Co, ang kanilang mga naunang sinumpaang salaysay tungkol sa umano’y pag-deliver ng mga maleta ng pera.
Batay ito sa mga bagong affidavit nina Benny Bulontate, Belnard Tube, Jeron Gaveria Balderama, Rosebert Macasasa Waupan, at Cecilio Serafica Larroder, Jr.
Sa kanilang mga affidavit na nilagdaan nitong huling linggo ng Hulyo at unang linggo ng Agosto, isiniwalat ng grupo na hindi mula sa kanilang sariling kagustuhan ang mga naunang dokumentong naisumite sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga inilahad ng ‘Maleta Boys’ ang umano’y matinding pamimilit, banta, at takot na kanilang hinarap sa mismong opisina ng Ombudsman, kung saan sinabihan umano silang ikukulong at kakasuhan ng plunder, bribery, perjury, at falsification kapag hindi sila pumirma sa mga nakahanda nang dokumento.
Aminado rin sina Bulontate, Waupan, at Balderama na wala silang direktang kaalaman sa mga sinasabing “basura” o maleta ng pera, dahil ang tunay lamang nilang trabaho ay magsilbing close-in security detail.
Bukod dito, isiniwalat naman nina Larroder at Tube na napangakuan lamang sila ng malalaking halaga ng pera upang sumama sa isang gawa-gawang “blackmail scheme” o pangingikil laban sa mga kilalang politiko.
Nguni’t nang maaresto naman umano ang kanilang mga “handler” at humantong ang usapin sa away-politika, minabuti nilang magsalita na ng katotohanan para sa seguridad at kapayapaan ng kanilang pamilya.
Batay sa mga affidavit, kasama sa itinuturo nilang mga “handler” ay sina Atty. Levito Baligod, dating Cong. Mike Defensor, at Senador Rodante Marcoleta, na umano’y namahala sa paghahanda ng kanilang mga kailangang sabihin sa media at maski ang susuoting damit.

===

Share.