Inihayag ng kampo ni dating Congressman Jing Paras na wala pa itong natatanggap na subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Mark Kristopher Tolentino, legal counsel ni Paras, na hindi pa rin umano sila nabibigyan ng kopya ng reklamo, mga affidavit, at iba pang ebidensyang magiging batayan ng imbestigasyon.
“Accordingly, it would be premature to comment on allegations whose factual and legal foundations have not yet been disclosed to us,” pahayag ni Tolentino.
Tiniyak naman ng kampo ni Paras na igagalang nito ang proseso ng batas at sasagot sa pamamagitan ng legal counsel sakaling pormal nang maihatid ang subpoena.
Binigyang-diin din ng abogado na ang pagpapalabas ng subpoena ay bahagi lamang ng proseso ng imbestigasyon at hindi nangangahulugan ng pagkakasala o patunay na may nagawang paglabag ang isang indibidwal.
“Our client categorically denies any involvement in any unlawful conspiracy or criminal activity. We are confident that, once all relevant facts are properly examined in accordance with law, the truth will prevail,” dagdag ni Tolentino.
Hiniling din ng kampo ni Paras sa publiko at media na hayaang umusad ang legal na proseso at iwasan ang paghusga habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ito ay kasunod ng pahayag ni NBI Director Melvin Matibag na inaasahang maglalabas ang ahensya ng subpoena laban kina Paras at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng affidavit ng isang inarestong talent manager hinggil sa umano’y planong i-frame up si Executive Secretary Ralph Recto sa pambubugaw.
Nauna nang iniulat nang Politiko ang umano’y nabigong plano ni Leviste laban kay Recto.

Share.