Patay ang 23-anyos na transgender woman at beauty pageant candidate nang pukpukin sa ulo ng matigas na bagay sa isang masukal na bahagi ng Purok 6, Barangay Sumpong, Malaybalay City, Bukidnon noong Lunes ng umaga, Hulyo 27.
Kinilala ng Malaybalay Police ang biktima na si Betty Benito, residente at kinatawan ng Barangay Manalog sa naturang pageant.
Natagpuan ang biktima na nakahandusay at duguan ang ulo, habang nakababa ang salawal at nakalantad ang maselang bahagi ng kanyang katawan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon at pahayag ng isang testigo, magkasama ang biktima at isang lalaki bago ang insidente. Itinuturing ngayong person of interest (POI) ang nasabing lalaki.
Isinugod pa ang biktima sa Bukidnon Provincial Medical Center ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Kasalukuyan pa ring nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Sa opisyal na pahayag ng mga organizer ng pageant na sinalihan ng biktima, nagpaabot sila ng pakikiramay at mariing kinondena ang nangyaring karahasan.
Inilarawan nila si Benito—na tumanggap kamakailan ng Tourism Leadership Award—bilang inspirasyon sa LGBTQIA+ community.
Nanawagan din sila ng katarungan, pagkakapantay-pantay, at pagwawakas sa diskriminasyon.

