Sapul sa video ang panununtok umano ng dalawang lalaking menor de edad na estudyante sa isang lalaking guro sa loob ng isang paaralan sa bayan ng Maco, Davao de Oro nitong Lunes.
Kita sa video ang alitan sa covered court at ang pagsuntok umano ng dalawang estudyante sa guro.
Ayon sa Maco police, dumulog ang nasabing guro sa police station upang i-report ang nangyari at ikinuwento na habang nasa gym noong recess ay sinabihan niya ang mga estudyante na bumalik na sa kanilang mga classroom.
Habang pinagsasabihan umano ng guro ang isang lalaking Grade 10 student dahil sa pagsusuot ng hikaw na bawal sa school policy, nagalit umano ito.
Sinubukang suntukin ng nasabing estudyante ang guro ngunit naawat ng ibang mag-aaral, ngunit bigla na lang umanong may sumuntok sa likod ng guro, na napag-alamang kapatid ng napagsabihang estudyante.
Nagtamo umano ng injuries sa katawan ang guro matapos mabugbog ng dalawang estudyante.
Naidulog na sa guidance office ng paaralan at sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD) ang insidente dahil pawang menor de edad ang mga sangkot.
===

