Isang command post ng mga sundalo at CAFGU sa Barangay Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte ang pinasabugan ng granada nitong Sabado ng gabi, Hulyo 18.
Batay sa ulat ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), naganap ang insidente dakong alas-7:50 ng gabi nang umano’y hagisan ng granada ng dalawang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklong walang plaka ang naturang outpost.
Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pagsabog.
Bumagsak ang granada sa loob ng command post, ngunit walang naitalang nasugatan sa panig ng mga sundalo at CAFGU.
Matatandaang nauna nang inatake ng hinihinalang riding-in-tandem ang convoy ng 4th Scout Ranger Company ng Philippine Army sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, kung saan dalawang sundalo at tatlong sibilyan ang nasugatan.
Isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga awtoridad ay posibleng paghihiganti ito kasunod ng pagkamatay ni Esmael Abubakar, na kilala rin bilang “Commander Bungos,” na sinasabing pinuno ng BIFF-Bungos Faction.
 Nasawi siya sa isinagawang joint military at police operation sa Barangay Calsada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang tunay na motibo sa pag-atake.
Samantala, nananatiling naka-heightened alert ang militar at pulisya sa Central Mindanao bilang paghahanda sa posibleng mga kasunod na insidente.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog

