Umani ng matinding emosyon at pagninilay mula sa mga netizen ang isang viral na social media post tungkol sa isang motorcycle rider na naglagay ng nakaaantig na mensahe sa kaniyang helmet bilang panawagan para sa kaniyang kaligtasan.
Sa ibinahaging larawan sa post ni “Primo Baconawa,” makikita ang nakasulat sa likod ng helmet ng rider na “Buntis po ang asawa ko. Huwag n’yo po akong sanang saktan.”
Ayon sa netizen, ipinadala sa kaniya ng girlfriend ang larawan matapos itong mag-book ng masasakyan pauwi mula sa trabaho.
Aniya, natigilan siya nang mabasa ang mensahe.
Para sa kaniya, nakalulungkot isipin na may mga manggagawang Pilipino na kinakailangang magsuot ng ganitong pakiusap upang makatiyak na makakauwi silang ligtas sa kanilang pamilya.
“No one should ever have to wear a message like that just to make it home safely. No one should have to leave for work wondering if they will return alive to the family waiting for them,” saad niya sa kaniyang post.
Naalala ang rider na sinaksak sa Caloocan
Iniugnay rin ng netizen ang kaniyang saloobin sa viral na insidente sa Caloocan City kung saan batay sa mga kuhang CCTV, matapos ibaba ang pasahero, bigla raw bumunot ng ice pick ang suspek at inundayan ng saksak sa tagiliran ang nakatalikod na biktima. Nagawa pang makatayo ng rider at humingi ng tulong subalit patuloy siyang pinagsasaksak at tuluyang kinuha ang motorsiklo niya.
Bugbog-sarado naman ang nabanggit na suspek matapos namang magnakaw sa ibang lugar, na humantong sa pagkakasakote sa kaniya.
Ayon sa mga ulat, naulila ng nabanggit na rider ang kaniyang mga anak, na ang isa ay may autism pa.
Ayon kay Primo, bagama’t naaresto na ang suspek, hindi nito mabubura ang trauma at takot na dinanas ng biktima at ng kaniyang pamilya.
“No rider, no worker, and no human being deserves to experience such cruelty,” aniya.
Sa kaniyang mahabang pahayag, nanawagan ang netizen sa pamahalaan ng mas mahigpit na proteksyon para sa mga rider at iba pang manggagawa.
Bagama’t aniya ay hindi perpekto ang anumang propesyon, naniniwala siyang mas nakararami pa rin sa mga rider ang marangal na naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya.
“To our government and our leaders, we ask you to continue strengthening public safety and ensuring that justice is swift and fair. Every Filipino deserves to feel protected, regardless of their profession,” aniya.
“Let us set aside politics and personal interests for now. We ask you to put the welfare of the Filipino people first and remain true to the oath you took to serve the nation with integrity, fairness, and dedication.”
Ikinuwento rin niya na bilang regular na gumagamit ng ride-hailing services tulad ng JoyRide, Angkas, at Move It, marami na siyang nakilalang rider na nagbahagi ng kanilang mga sakripisyo para lamang maitaguyod ang kanilang pamilya.
May ilan umanong nagtatrabaho nang mahabang oras upang may maipambili ng pagkain para sa kanilang mga anak, habang ang iba naman ay nagsisikap upang makabayad ng matrikula, makatulong sa tumatandang magulang, o simpleng mabuhay nang marangal.
Binigyang-diin ng netizen na hindi lamang simpleng manggagawa ang mga rider.
Ayon sa kaniya, sa likod ng bawat helmet ay may isang ama, ina, anak, asawa, o kapatid na nagsisikap upang maiahon ang kanilang pamilya sa hirap ng buhay.
Dahil dito, hinimok niya ang pamahalaan na higit pang palakasin ang seguridad ng publiko at tiyaking mabilis at patas ang pagpapatupad ng hustisya laban sa mga gumagawa ng karahasan.
“Criminals should fear the consequences of their actions—not innocent people who are simply trying to earn a living,” saad niya.
Mensahe para sa mga manggagawang Pilipino
Sa pagtatapos ng kaniyang post, nagbigay siya ng pagpupugay sa lahat ng marangal na manggagawa—mga rider, delivery workers, driver, healthcare worker, construction worker, security guard, at iba pang Pilipinong nagsusumikap para sa kanilang pamilya.
Aniya, ang kanilang sipag at sakripisyo ang nagpapatakbo sa bansa at nararapat lamang silang mabigyan ng pagkilala at proteksyon.
Nanawagan din siya sa publiko na pairalin ang malasakit at paggalang sa kapwa.
“Let us choose compassion over hatred, respect over violence, and unity over fear,” aniya pa.
Trending
- Trailer truck nahulog sa sapa: 3 sakay nasagip
- Dawlah Islamiya bomb-maker, timbog
- M’danao binaha; P2.3m pinsala sa sakahan naitala
- Grupong Pinoy sa Tsina: ‘Di kami unggoy!
- Napoles, ex-opisyal ng DAR guilty sa malversation
- Valid ID ‘di kailangan sa pagkuha ng Postal ID
- Price cap sa agri products, ‘di kailangan
- Robin naglalagay ng kulay sa impeachment trial

