Nanawagan ng agarang tulong sa pamahalaan ang pamilya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Davao City matapos nilang malaman na pumanaw na ang kanilang kaanak na nagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia, habang nananatiling hindi malinaw ang mga pangyayari kaugnay ng kaniyang pagkamatay.
Kinilala ang OFW na si Sheila Agao, isang residente ng Davao City na nagtungo sa ibang bansa upang suportahan ang kaniyang pamilya at matustusan ang pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Ayon sa pamilya, huli nilang nakausap si Sheila noong Hulyo 6. Matapos ang ilang araw na pagkawala ng komunikasyon, lalo silang nabahala sa kaniyang kalagayan hanggang sa makatanggap sila ng balita noong Hulyo 14 mula sa isa sa mga kaibigan nito sa ibang bansa na siya ay pumanaw na.
Ikinagulat umano ng pamilya na wala silang natanggap na opisyal na abiso mula sa employer o sa recruitment agency ni Sheila hinggil sa kaniyang pagkamatay.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin umanong naibibigay na impormasyon tungkol sa sanhi at mga pangyayaring humantong sa kaniyang pagpanaw.
Dagdag pa ng pamilya, nakarating sa kanila ang impormasyon na ang mga labi ni Sheila ay kasalukuyang nasa isang morgue facility sa Saudi Arabia habang hinihintay ang mga kinakailangang proseso at dokumentasyon.
Dahil dito, humihiling ang mga kaanak ng tulong mula sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang mapabilis ang pag-uwi ng mga labi ni Sheila sa Pilipinas at mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan ng pamilya tungkol sa tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Naglabas din ng panawagan sa social media ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak, na kalaunan ay naging viral at umani ng pakikiramay mula sa maraming netizen. Matapos ang naturang panawagan, nakipag-ugnayan umano sa pamilya ang employer ni Sheila upang magbigay ng paunang impormasyon kaugnay ng sitwasyon.
Patuloy namang hinihikayat ng pamilya ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ang Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia na tumulong sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa naturang bansa, kabilang ang pagsisiyasat sa insidente at pagpapadali sa proseso ng repatriation.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang mga awtoridad hinggil sa sanhi ng pagkamatay ni Sheila Agao at nagpapatuloy pa ang pagkalap ng karagdagang impormasyon ukol sa insidente.

Share.