Dedma si PBA courtside reporter Apple David sa mga netizen na tumatawag sa kanya ng “gurang” kasunod ng pag-amin niya sa relasyon nila ng 18-anyos na basketball player na si Chad Gammad.
Sa isang TikTok Live na na-screen record at kumalat sa social media, sinabi ng 33-anyos na si Apple na wala siyang nakikitang masama sa naturang bansag.
“Tsaka hindi nakaka-offend, direk, yung sabihan ka ng gurang kasi ang gurang ibig sabihin nun, matanda, di ba? Eh matanda naman talaga ang 33. Pero, ang catch dun, 33 pero ganito ang itsura,” ani Apple.
Nagbigay pa siya ng payo sa mga netizen na bumabatikos sa kanya.
“Siguraduhin niyo kapag 33 na kayo, ganito din itsura niyo or mas maganda pa kayo. Mas makinis, wala pang masyadong fine lines, ha? Sa mga lakas mag salitang Gen Z na easily offended,” aniya.
“Alagaan niyo yung mga sarili niyo para pag 33 na kayo, gustuhin pa rin kayo,” dagdag pa niya.
Sa naturang TikTok Live, ibinahagi rin ni Apple na kumita siya ng P50,000 mula sa isang social media app dahil sa matinding engagement na natanggap niya nitong nakaraang buwan.
“Hayaan na natin, tuwing ginagawa nila ako ng content, nagkaka-engagement. Parang 50,000 ata yung kinita ng Facebook last month. Maraming salamat. Kaninong nanggaling yung pang date namin? Sa kanila. 50,000 ba naman kinita ng blue app ko,” pahayag niya.
Matatandaang nauna nang pinabulaanan ni Apple ang mga akusasyong gino-groom umano niya si Chad.

Share.