Muling itinanggi ni Senador Robin Padilla na maituturing na pagtakas ang pag-alis nila ni Senador Bato dela Rosa sa Senate premises noong madaling-araw ng Mayo 14, kasabay ng pangamba sa posibleng kasong isasampa laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ).
Sa isang Facebook post, sinabi ni Padilla na isa ito sa mga “balakid” na kinahaharap niya, kabilang ang reklamo sa Office of the Ombudsman at ang umano’y inihahandang kaso ng DOJ.
“Una ay sa pinansyal, hindi po mura ang pagkuha ng abogado. Pangalawa, hindi sanay ang aking asawa at mga musmos kong anak sa kasuhan. Pangatlo, matanda na ang nanay ko, hindi sanay ‘yun na hindi ako nakikita at kasama sa bahay,” ani Padilla.
“Pang-apat, Pilipinas ito bakit ang isang halal na senador ay kakasuhan dahil sa warrant of arrest ng dayuhan,” dagdag pa niya.
Iginiit din ng senador na wala silang nilabag na batas nang umalis sila ni dela Rosa.
“Panglima, naglakad lang kami at sumakay sa sasakyan sa harap ng mahigit isang libong pulis. May SWAT, may CIDG, may PSPG at Patrolman/Riot Police. Wala namang pumigil sa amin,” aniya.
Binanggit din niya ang naging pahayag umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala namang warrant of arrest noong mga oras na iyon.
“Ayon mismo sa SILG, walang warrant. Ano lahat ito? Hindi ba ito balakid para sa karapatan ng isang Pilipino?” giit pa ni Padilla.

Share.