Nagrereklamo ang mga residente ng Barangay Balibago, Lian, Batangas laban sa isang dam na itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilog ng kanilang barangay matapos umapaw ang tubig nitong Miyerkoles, Hulyo 1, kahit kaunting ulan lamang ang bumagsak.
Ayon sa mga residente, mali ang pagkakadisenyo ng dam dahil iisa lamang ang watergate nito.
Nang mabarahan ito ng mga inanod na putol na kahoy, wala nang lusutan ang tubig kaya umapaw ito patungo sa mga katabing palayan.
Nasira rin ang kabilang gilid ng riprap at ang daanan ng mga residente dahil sa lakas ng agos.
Sinabi ng mga apektadong magsasaka na mabuti na lamang at wala pang tanim ang mga palayan sa panahon ng pagbaha.
Gayunpaman, natambakan ng putik ang mga taniman na dagdag-problema pa rin sa kanilang kabuhayan.
Hinihiling ngayon ng mga residente sa DPWH at sa mga lokal na kinauukulan na itama ang pagkakagawa ng dam.
Natatakot sila na kapag dumating ang mas malakas na pag-ulan, hindi na lamang ilog at palayan ang maapektuhan kundi maging ang kanilang mga komunidad.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog

