Inaresto ang siyam na kawani ng Land Transportation Office (LTO) sa Region 13, o Caraga Region sa Mindanao, sa isinagwang entrapment operation sa Buenavista, Agusan del Norte nitong Huwebes ng umaga, Hunyo 18.
Magkatuwang na isinagawa ang naturang entrapment operation ng magkasanib na mga units ng Police Regional Office 13 at ng mga kawani ng LTO Central Office, batay sa mga reklamo laban sa nasabing mga law-enforcement personnel ng ahensya.
May mga drayber ng light vehicles at mga hauler trucks na nagreklamo sa umano’y panghihingi ng pera, habang nagpapatupad ng operasyon sa kalsada, ang naturang mga LTO employees. Dahil dito, inilunsad ang operasyon na nagresulta pagkakaaresto sa kanila.
Ayon sa isang opisyal ng LTO Central Office, matagal na silang nakakatanggap ng mga reklamo hinggil sa umano’y ilegal na gawain ng ilan sa kanilang mga kawani sa Region 13.
Pahayag ng ilang drayber, hinaharang sila ng mga ito sa mga highway para sa kunwari ay mga procedural inspections na kalaunan ay kokotongan na sila ng pera upang makapagpatuloy ng pag-biyahe.
Ayon sa isa sa mga nagreklamo, nakaranas siya ng umano’y pangingikil na umabot sa P15,000 matapos siyang harangin dahil sa sinasabing paglabag sa batas trapiko.
Nasa magkatuwang na kustodiya na ng pulisya at ng mga national officials ng LTO ang siyam na mga kawani ng ahensya na naaresto sa isang entrapment operation ng mga operatibang nagkunwaring may mga sasakyang may kakulangan ang mga papeles na kanilang hiningian ng pera na siyang dahilan ng kanilang agarang pagkaaresto.

Share.