Bilang agarang aksyon para matugunan ang suliranin ng stunting o pagkabansot sa mga batang Pilipino, ini-sponsor ni Senador Bam Aquino ang isang panukalang magtatatag ng universal feeding program na pakikinabangan ng walong milyong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Dapat ay nakatakda ang sponsorship ni Aquino sa Senate Bill No. 2272, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, noong Mayo 11 ngunit naantala dahil sa mga pagbabago sa pamunuan ng Senado.
“Sa lahat ng pangyayari sa Senado sa nakaraang buwan, ang reporma na ito para sa kabataang nagugutom ang isa sa nakakapanghinayang na naantala ng ilang linggo,” wika ni Aquino sa kanyang sponsorship speech.
Ayon sa pinakahuling enrollment data mula sa Department of Education para sa School Year 2025-26, may 7,989,911 mag-aaral na naka-enroll mula Kindergarten hanggang Grade 3, na makikinabang sa 231 araw ng feeding program, na binubuo ng 201 school days at karagdagang 30 araw ng summer classes.
Sa kanyang speech, Nagbabala ang senador tungkol sa krisis sa nutrisyon ng mga bata sa bansa, at iginiit na milyon-milyong batang Pilipino na dumaranas ng malnutrisyon ang nawawalan ng pagkakataong maabot ang kanilang buong potensyal.
“Currently, 26.7% of Filipino children under five years old are stunted. Ibig sabihin po, isa sa bawat apat na kabataan ay hindi naaabot ang kanilang tunay na potensyal. They will carry the lifelong burden of undernutrition,” giit ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Binigyang-diin ni Aquino na mahalagang matugunan ang stunting o pagkabansot upang maresolba ang krisis sa edukasyon sa bansa, dahil nahihirapang matuto at magtagumpay sa paaralan ang mga batang gutom at kulang sa nutrisyon.
“Ang ating panukala ngayon ay hindi lamang isang feeding program. Ito ay reporma sa edukasyon, isang public health strategy, at isang hakbang sa pagpapaunlad ng human capital ng ating bansa,” punto ni Aquino.
Trending
- P1.3-m Ismagel yosi nasamsam sa Sarangani
- Pekeng water delivery boy nagnakaw sa faculty room
- ASEAN police, bubuo ng task force vs online scam
- Ginang huli sa pagpapakalat ng bomb threat sa iskul
- Bahay ni Torre sa Davao pinasok ng baha
- P2.5m iligal na mantika nasamsam sa Batangas
- Babaeng manager patay sa ambush
- Patrolman, arestado sa panggagahasa ng 14-anyos

